Ilang buwan nang nakasubsob ang piso kontra dolyar at ang isang positibong epekto nito, dapat ay pagdami ng mga dayuhang turista dahil mas malaki ang kapalit ng bawat dolyar na dinadala nila sa Pilipinas.

Kahit pa sabihin nating na halos wala nang nagdadala ng dolyares sa mga turista dahil uso na ang online payment ngayon ay mako-convert pa rin ang kanilang pera sa piso at mas marami silang mabibili.

Kaya noong humina ang piso kontra dolyar ay umaasa ako na mas maraming dayuhang turista ang pupunta sa ating bansa para mag-shopping, kumain ng mas marami at mapupuno ang mga hotel at tourist spots tulad ng beach resorts, na makakatulong sa ekononiya ng bansa.

Pero mukhang may natutulog sa Department of Tourism (DOT) dahil hindi natin nararamdaman na dumami ang foreign tourist na dumating sa ating bansa para samantalahin ang paghina ng piso kontra US dollar.

Masyadong tahimik ang ahensyang ito na isa sana magpapalago sa ekonomiya ng bansa kaya maraming ang nagtatanong, may silbi pa ang mga ito at may pag-asa pa bang kaya nilang makipagsabayan sa mga bansa sa Asya tulad ng Japan, Taiwan, South Korea, Thailand, Malaysia at Vietnam? Hindi ba naiingit ang DOT?

Kung mapapansin niyo, araw-araw napupuno ang Ninoy Aquino International Airport (NAIA) ng mga Pilipino nagbabakasyon sa iba’t ibang bansa kesa sa mga dayuhan na mamamasyal sa ating bansa.

Sa Thailand na lang na isang mainit na bansa tulad ng Pinas ay dinagdagsa ng mga dayuhang turista na kinabibilangan ng mga Pilipino bakit hindi kayang sabayan ng DOT? Wala ba talagang silbi ang ahensyang ito?

Isa pa, napapansin ko, tahimik ang DOT kapag may turistang nabiktima ng holdap o naativan o na-overcharge ng mga mapagsamantala taxi driver sa NAIA na hanggang ngayon ay hindi mawala.

Kung merong dapat manguna na mangalaga sa mga turista para maiwasang mabiktima ng mga kriminal ay ang DOT. Hindi dapat iasa na lamang nila sa Philippine National Police (PNP) ang kaligtasan nila.

Pero nganga ang DOT. Wala man lamang silang statement kapag may turistang naativan, naholdap. Ano ba naman na maglabas ng pahayag na kinokondena nila ang pambibiktima sa mga turista na isa sa bumubuhay sa ekonomiya ng bansa?

Baka sabihin nila na wala silang police power para pangalagaan ang mga dayuhang turista at trabaho yan ng mga pulis pero ang akin, bakit hindi makipagsanib-puwersa sa PNP para lumakas ang kanilang puwersa hindi yung nasa opisina lang sila na naghihintay ng alas-singko ng hapon para makapag-time out na.

Hangga’t hindi kumikilos ang DOT, lalong hindi aasenso ang ating bansa kaya dapat pag-isipan ng Kongreso kung anong dapat gawin sa ahensyang ito para masabayan nila ang ibang bansa na lalong umaasenso dahil sa turismo.

The post Nasaan ang DOT? first appeared on Tonite - Abante.