Natagpuang patay ang 78-anyos na lolo na may tama ng saksak sa hita sa loob ng isang kubo sa Abra de Ilog, Occidental Mindoro noong Martes ng umaga.
Ang biktima, na nagtatrabaho sa isang vulcanizing shop ay natagpuang patay ng kanyang pamangkin sa kubo sa Sitio Mamara, Barangay Cabacao, alas-9:30 ng umaga, matapos hindi pumasok sa trabaho.
Ayon kay PLt. Col. Xelacor Marie Garcia, public information officer ng Occidental Mindoro Police Provincial Office, batay sa paunang pagsusuri, nagtamo ang biktima ng isang saksak sa kanang hita.
Naniniwala umano ang mga awtoridad na posibleng pagkaubos ng dugo ang naging sanhi ng kanyang pagkamatay, gayunman hinihintay pa ang resulta ng post-mortem examination ng biktima.
Natukoy na ng pulisya ang isang “person of interest” na may kaugnayan sa krimen.
Napag-alaman ng mga imbestigador na bago ang pagkakatagpo sa bangkay ng biktima, nakipagtalo umano ito sa kaniyang kainuman.
Patuloy pa ang imbestigasyon ng mga awtoridad sa motibo sa krimen. (Dolly Cabreza)
The post 78-anyos sinaksak, todas first appeared on Tonite - Abante.



